Nagkaroon ng pagkakataon ang mga Overseas Filipino Worker na makipag transaksyon sa mga private at government institutions sa pagbubukas ng 5th OFW and Family Summit ngayong araw.
Umaga pa lang ay dagsa na sa World Trade Center sa Pasay ang mga OFW na nais pasukin ang pag nenegosyo.
Ngunit hindi lang nakatuon sa negosyo ang naturang summit, tuturuan din dito ang mga OFW na makapag-ingat sa mga illegal recruiters at human trafficking.
Gayundin ang pag-iwas upang di mabiktima ng tanim-bala scam sa NAIA.
Mayroon ding booth ang Blas Ople Foundation na aasiste sa mga OFW na may nais idulog na problema.
Dumating din sa naturang okasyon si dating Senador Manny Villar ang founding chairman ng Villar Sipag na nanguna sa pagbubukas ng summit.
Umaasa ang mga organizer ng OFW and Family Summit na sa pamamagitan nitoy mababawasan ang datos na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas na kakaunti lang ang naiipon ng OFW mula sa kanilang kinikita.
Ayon pa kay Senador Villar, tinututukan pa rin nila sa senado ang iba pang concern ng mga Overseas Filipino Worker sa pamamagitan ng legislative support gaya ng isyu ng pagsasama ng terminal fee sa plane ticket kahit pa ito ay OFW at sa mga nabibiktima ng tanim-bala sa NAIA.(Bryan De Paz/UNTV Correspondent)