METRO MANILA – Igniit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na dapat na nakaupo ang lahat ng mga pasahero sa mga bus at jeep kahit pa pinapayagan na ang full operational capacity sa mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila.
Paalala ng mga otoridad sa mga PUV, hindi pa nawawala ang banta ng COVID-19 kaya’t dapat pa ring maging maingat ang mga pasahero at mahalaga pa rin na palaging masunod ang pagsusuot ng face mask at regular na disinfection sa mga pampublikong sasakyan.
Handa namang sumunod dito ang ilang mga driver at pasahero.
Sa darating na Biyernes (March 4) muling magiinspeksyon ang mga traffic law enforcer para makita kung nasusunod pa rin ang mga health protocols sa public transportation kahit pa nasa Alert Level 1 na lamang ang NCR.
Ayon sa LTFRB ang sinomang mahuhuling lalabag ay posibleng ipatawag at pagmultahin ng halagang hindi bababa sa P5,000.
Gayunman iginiit ng ahensya na ayaw na nilang humantong sa penalty ang ganitong mga violation at nakiusap sa mga driver na sumunod sa polisiya ng gobyerno.
Samantala, kung ipinagbabawal ang tayuan sa mga bus at pagsabit sa mga jeep, iba naman ang sitwasyon sa mga tren, gaya na lamang sa LRT-1, dahil pinayagan na ang 100% capacity, hindi na susundin ang mga markings na nakalagay sa istasyon at maging ang mga nasa loob ng tren para sa physical distancing.
Hindi na rin kinakailangan ang mano-mano at digital contact tracing sa mga pasahero, gayunman mandatory pa rin ang pagsusuot ng face mask.
Maliban pa sa minimum public health standards na ipinapatupad, siniguro rin ng pamunuan ng LRT-1 na tuloy-tuloy ang kanilang regular disinfection sa loob at labas ng mga tren.
(Janice Ingente | UNTV News)
Tags: NCR, transportation