Bago matapos ang kontrata ng Busan Universal Incorporated o BURI sa 2019, sisikapin nitong matapos ang general overhaul ng 42 na mga bagon ng MRT 3.
Sa oras na maisa-ayos na ang naturang mga bagon, inaasahang malaki ang maitutulong nito upang mabawasan ang mahabang pila ng mga pasahero sa mga istasyon ng tren sa Edsa.
Samantala dumipensa naman ang kumpanya sa usapin na hindi umano sila tumutupad sa kontrata sa MRT 3 bilang maintenance provider nito.
Ito ay kaugnay ng patuloy na reklamo ng mga commuter sa serbisyo ng mga tren dahil sa aberya na lagi umanong nararanasan sa operasyon nito.
Pagtatanggol pa ng BURI, hindi maaaring isisi sa kanila ang lahat ng problemang ito na posible namang dahilan upang basta na lamang ipawalang bisa ang kontrata sa kanila sa pamahalaan.
Sagot naman ni transportation Usec Cesar Chavez, walang plano na basta na lamang i-terminate ang kontrata sa Busan.
Aniya, sa kasalukuyan ay binubusisi na ng Office of the Undersecretary for Legal ang kontrata ng naturang maintenance provider.
(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)