Outgoing AFP Chief Eduardo Año, magsisilbi munang Special Assistant to the President

by Radyo La Verdad | October 27, 2017 (Friday) | 1567

Pormal nang isinalin sa pangatlong chief of staff sa ilalim ng Duterte administration ang pamumuno sa Armed Forces of the Philippines.

Sa talumpati ng Pangulo, muli nitong sinabi ang kanyang planong maitalaga si Gen. Eduardo Año bilang miyembro ng kaniyang gabinete, partikular na sa Department of the Interior and Local Government o DILG.

Subalit dahil sa panuntunang umiiral o ang one year ban,  sinabi ng Pangulo na gagawin niya munang Special Assistant to the President o Undersecretary si Año o kung anuman ang pwestong sang-ayon sa batas. Welcome na rin aniya si Año na makapagsimula kahit bukas na.

Samantala, inatasan naman ng Commander in Chief si Lt. Gen. Rey Leonardo Guerrero na wasakin ang lahat ng armas na nakumpiska ng mga tauhan ng militar at pulisya mula sa mga terorista sa Marawi City.

Patunay aniya ito na nakapanaig ang pwersa ng pamahalaan laban sa hamon ng terorismo at karahasan. Dating commander ng Davao City-based Eastern Mindanao Command si Lt. Gen. Guerrero.

Muli namang nangako si Pangulong Duterte ng doble sahod na ang makukuha ng mga tauhan ng militar sa January 2018.

Tiniyak din nitong hindi pababayaan ang lahat ng mga sugatang sundalo at pulis pati na rin ang kanilang pamilya.

Sa December 17, 2017, sasapitin ni Lt. Gen. Guerrero ang edad 56 anyos, ang mandatory age of retirement para sa mga tauhan ng militar. Gayunman, depende pa rin sa punong ehekutibo kung pahihintulutan niya itong mag-extend sa kaniyang serbisyo.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,