Otis bridge sa Maynila, isinara na sa daloy ng sasakyan matapos masira ang isang bahagi nito

by Radyo La Verdad | June 26, 2018 (Tuesday) | 4245

Isinara sa daloy ng mga sasakyan kaninang madaling araw ang Otis bridge matapos masira ang isang bahagi ng tulay. Nagkaroon ng malaking crack sa ibabaw ng tulay matapos bumaba ang isang bahagi nito.

Hindi na muna pinadadaanan ng sasakyan kung kayat napilitang maglakad ang mga pasahero patawid ng tulay.

Dahil sa insidente, muling isinusulong ng lokal na pamahalaan ang rehabilitasyon sa Otis bridge na may limampung taon na ang tanda.

2016 pa aprubado ang pagsasa-ayos sa tulay subalit hindi ito natutuloy dahil sa ilang problema at mayroon ng 37 milyong piso  nakalaan na pondo para sa bridge rehabilitation.

Kapag natuloy na, tinatayang aabutin ng isang taon ang pagkukumpuni sa tulay. Bunsod ng pagsasara ng tulay, nagbigay naman ng alternatibong ruta ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa mga motorista.

Ayon sa MMDA, ang mga motoristang manggagaling sa Nagtahan bridge ay maaaring kumanan sa West Zamora Street at kumanan sa Quirino Avenue extension.

Habang ang mga manggagaling naman sa South Super Highway ay maaari nang kumaliwa sa Plaza Dilao, tuloy-tuloy hanggang Quirino Avenue extension diretso sa U.N. Avenue kung saan rin maaaring dumaan ang mga pabalik na ruta.

Maglalagay na rin ng mga kaukulang road signages upang magbigay babala sa mga motorista kaugnay ng isinarang tulay.

Magkatuwang na nagbabantay ang mga tauhan ng DPWH, MMDA, Manila Police District (MPD) at lokal na pamahalaan upang masigurong hindi na madadaanan ang Otis bridge para sa kaligtasan ng mga motorista.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,