Organizers ng Chinese New Year celebration, nakaalerto sa banta ng coronavirus

by Radyo La Verdad | January 23, 2020 (Thursday) | 1696

Patuloy ang mga pagsusuri ng mga eksperto kaugnay sa panganib na dulot sa tao ng isang bagong uri ng coronavirus na nagmula sa Wuhan, China.

Kasabay nito, pinapayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na umiwas sa mga matataong lugar at sa mga may sakit gaya ng trangkaso dahil naipapasa ito sa pamamagitan ng direct physical contact tulad ng flu, ngunit pinangangambahan ng mga otoridad ang lalo pang pagkalat ng naturang virus sa pagdiriwang ng Chinese New Year sa Sabado.

Inaasahan ang pagdalo ng nasa isang libong tao sa countdown event ng Chinese New Year sa isang liwasan sa Binondo Maynila bukas ng gabi.

Ayon sa organizer ng event, nakikipag-ugnayan ang mga ito sa lokal na pamahalaan at pulisya kaugnay sa banta ng coronavirus.

“Hopefully we’ll be able to pull off na would be enjoyable but at the same time be safe for everyone especially since the line up is really big and we are expecting a lot of people to attend,” ani Cholo Sediaren, Event Organizer, Chinese New Year in Manila.

Gumagamit naman ang ilan ng face mask upang hindi mahawaan ng sakit. Ngunit mismong sa mga pangunahing bilihan ng face mask ay nagkakaubusan na nito dahil na rin sa ashfall kamakailan sa Metro Manila at karatig lugar bunsod ng pagputok ng Bulkang Taal.

“Ayon yata dito sa mga iba naming mga kasamang naririto dito sa parte ng mga medical supplies, eh karamihan halos ata ay wala na rin silang makuha na N95. Halos nagkaubusan,” ani Tony Lacap, Merchandiser, Bambang Manila.

Upang makaiwas sa sakit, payo rin ng DOH na ugaliin ang paghuhugas ng kamay at ang pagpapanatili ng malinis na pangangatawan.

(Asher Cadapan, Jr.)

Tags: , ,