Organic fertilizer na makatutulong sa pagpapalago ng rice production, sinusubukan na ng DOST sa ilang palayan sa Bulacan

by Radyo La Verdad | November 13, 2015 (Friday) | 1543

File Photo: UNTV News
File Photo: UNTV News

May nadiskubreng bagong organic fertilizer o pataba sa lupa ang Department of Science and Technology.

Ayon kay DOST Sec. Mario Montejo, tinatawag nila itong Carrageenan Plant Growth Regulator na isang uri ng Polysaccharide o Carbohydrate na nakukuha mula sa seaweeds na kalimitang ginagamit bilang stabilizer o thickener sa ilang food at domestic products.

Sa kanilang pagsusuri, kapag idinaan ang Carrageenan Carbohydrate sa modified radiation technology ay maaari itong maging isang epektibong growth promoter at organic fertilizer.

Nakatutulong rin ito upang mapalakas ang resistensya ng mga pananim kontra sa mga peste at tungro at mapatibay ang tangkay upang hindi basta humapay kapag dinaanan ng malakas na hangin o tubig.

Upang malaman kung gaano ito ka-epektibo, sinubukan ng DOST ang nasabing abono sa ilang palayan sa Bulacan;

Sa kanilang inisyal na pagsusuri, lumalabas na kapag nilagyan ng siyam na bag ng chemical fertilizer na hinaluan ng dalawampung milli-liter ng Carrageenan treatment ang isang ektarya ng palayan ay magkakabunga ito ng may bigat na 450 grams.

Mas mataas ito kumpara sa 275 grams kung purong chemical fertilizer lamang ang gagamitin.

Ayon sa DOST, kapag nagtagumpay ang pagsusuri ay makatutulong ito ng malaki upang mapalakas ang ani at kita ng mga magsasaka, depende sa dami ng mga itinanim na palay.

Samantala, suportado naman ni Senate Committee on Agriculture and Food Chairperson Cynthia Villar ang proyektong ito ng dost na may malaking kapakinabangan sa mga magsasaka.

Nagpasalamat naman ang ilang magsasaka sa pulilan dahil sa magandang resulta ng ginagawang pagsusuri ng DOST sa Carrageenan treatment.

Sa ngayon ay hinihintay na lamang ng DOST ang pagsang-ayon sa proyekto ng ilang grupo ng sayantipiko upang magamit na ito ng lahat ng mga magsasaka sa bansa.

Nagsasagawa na rin ang DOST ng Carrageenan treatment trial sa iba pang palayan sa Iloilo at Pangasinan.(Nestor Torres/UNTV Correspondent)

Tags: , , ,