Oras ng byahe sa EDSA, bumilis ng 5-minuto bunsod ng implementasyon ng light truck ban -MMDA

by Radyo La Verdad | March 28, 2017 (Tuesday) | 3188


Umaabot sa isang oras at sampung minuto ang byahe sa kahabaan ng EDSA.Sa huling datos ng Metropolitan Manila Development Authority noong Disyembre 2016.

Subalit nang simulang ipatupad ng MMDA ang mas mahigit na light truck ban noong nakaraang linggo, bumilis ng limang minuto ang byahe simula Monumento hanggang Roxas Boulevard.

Sa pagtaya ng MMDA nasa higit tatlong libong mga light truck ang dumaraan sa EDSA kada araw.

Kaya naman malaking tulong anila ang implementasyon ng regulasyong ito sa pagpapaluwag ng trapiko sa EDSA.

Simula March 20 hanggang 24, nasa 1,234 na light trucks na ang pinagmulta ng MMDA ng 2-libong piso.

Karamihan sa mga nahuling lumabag ng MMDA ang mga cargo, pick up at delivery truck.

Sang-ayon naman ang ilang motorista na nagkaroon ng pagbabago sa sitwasyon ng trapiko.

Bukod sa maliliit na truck, mahigpit ring ipinagbabawal ang pagdaan sa EDSA ng malalaking uri ng mga truck, gaya ng trailer truck, cement mixer truck at iba pa.

Umiiral ang light truck ban sa EDSA southbound lane simula alas sais hanggang alas diyes ng umaga.

Habang ipinatutupad naman ito sa EDSA north bound lane tuwing alas singko ng hapon hanggang alas diyes ng gabi.

Sakop nito ang EDSA North Avenue sa Quezon City haggang EDSA Magallanes sa Makati, gayundin ang kahabaan ng Shaw Boulevard sa Pasig at Mandaluyong.

(Joan Nano)

Tags: , , , ,