Oral arguments sa kaso ng Torre de Manila, sinimulan nang dinggin ng Korte Suprema

by Radyo La Verdad | July 21, 2015 (Tuesday) | 3022

TORRE DE MANILA
Muling iginiit ng Knights of Rizal na may kapangyarihan ang Korte Suprema na ipagiba ang kontrobersyal na Torre de Manila.

Sa kanyang pagharap sa oral arguments ngayong araw, inilahad ng abogado ng mga petitioner na dadami pa ang mga nagtataasang gusali sa paligid ng monumento ni Jose Rizal kapag pinayagang makompleto ang kontrobersyal na gusali ng DMCI.

Pangamba nila, kasunod na nito ang naglalakihang mga billboard na lalong makasisira sa tanawin ng bantayog ng pambansang bayani.

Giit naman ng abogado ng DMCI, dapat idismiss ng Korte Suprema ang petisyon laban sa Torre de Manila.

Hindi aniya dapat na iniakyat agad ng mga petitioner ang usapin sa kataas-taasang hukuman kundi sa dapat muna itong dumulog sa National Museum o kaya’y sa National Historical Commission.

Wala umanong batas na nilalabag ang DMCI sa pagtatayo nito ng kontrobersyal na gusali.

Ngunit para naman sa National Commission on Culture and the Arts, labag ang pagtatayo ng nasabing gusali ng DMCI sa itinatakda ng saligang-batas na dapat pangalagaan ang mga yaman ng bansa.

Kabilang na ang monumento ni Rizal at ang paligid nito.

Naniniwala naman ang DMCI na walang batas na nagsasabing dapat ipagiba ang kontrobersyal na gusali.

Nakatakdang ituloy ng Korte Suprema ang Oral Arguments sa August 4 at pagkakataon naman ng mga respondent na maglahad ng kanilang argumento sa kaso.

Tags: , ,