Opposition senators, hiniling sa Korte Suprema na i-dismiss ang quo warranto petition vs CJ Sereno

by Radyo La Verdad | April 20, 2018 (Friday) | 2972

Naghain ng manipestasyon kahapon sa Korte Suprema sina Senators Antonio Trillanes IV at Leila De Lima sa pamamagitan ni dating Solicitor General Florin Hilbay.

Nakasaad sa 4 page-manifestation ang muling pagkwestiyon ng dalawang mambabatas sa hurisdiksyon ng Korte Suprema sa paghawak sa isang kaso na layong tanggalin sa pwesto ang isang impeachable official.

Naninindigan ang opposition senators na sa pamamagitan lamang ng impeachment trial ng Senado maaaring tanggalin ang punong mahistrado.

Wala rin anilang kinalaman ang kanilang pagkontra sa naging merito ng kaso laban sa chief justice.

Dagdag pa ni Attorney Hilbay, naging kwestiyon rin ngayon ang pagtrato sa naganap na oral arguments kaugnay ng quo warranto petition.

Ito aniya ang isa sa mga dahilan kaya hinihiling nila na tuluyan nang ipawalang-bisa ang reklamo.

Hihilingin naman ni Trillanes ang suporta ng mga kapwa senador kaugnay sa posisyon na ito ng oposisyon.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,