Ople Center, nagbabala hinggil sa nga pekeng trabaho na inaalok sa Russia

by Radyo La Verdad | February 19, 2018 (Monday) | 2281

Daan-daang mga overseas Filipino workers mula sa Middle East na nakapag-avail ng amnesty program ang nakauwi na sa bansa.

Dahil dito, hindi maiiwasan na marami sa kanila ang naghahanap ngayon ng panibagong trabaho at nagbabaka sakali na muling mangibang-bansa upang makabawi sa paghahanap-buhay. Kaugnay nito, nagbabala ang Blas F. Ople Policy Center hinggil sa umano’y lumalaganap ngayon ng iniaalok na trabaho sa bansang Russia.

Ayon kay Ms. Susan Ople, ang head ng Policy Center, wala umanong inaalok ngayon na job opening sa Russia partikular na sa mga domestic helper.

Sa monitoring ng grupo, laganap na umano sa mga Filipino domestic helpers sa Hongkong ang ganitong uri ng iligal na pagre-recruite kung saan pinagbabayad ng 10,000 US Dollars ang mga nais na mag-apply. Sakali man aniyang makakuha ng trabaho doon, lubhang delikado pa rin aniya ang sitwasyon ng ating mga kababayan.

Una nang sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na isa ang Russia sa mga bansa na tinitignan ng Pilipinas na market venue para sa mga skilled at professional workers.

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,