Inilunsad ng Zamboanga City Police Office (ZCPO) ang “Oplan Visita Casa” o House Visitation kasunod ng naitalang 52 na kaso ng panggagahasa sa probinsya simula Enero ngayong taon.
Ayon kay ZCPO PIO PLt. Col. Paul Andrew Cortes nitong Huwebes, ang mga naitalang insidente ng panggagahasa ngayong taon ay mataas ng 13 kumpara sa 39 na kaso sa kaparehong panahon noong 2022.
Sa ilalim ng operational plan, sinabi ni Cortes na ang lahat ng Police Stations sa Zamboanga City ay inatasang magsagawa ng house visitation para i-monitor ang kalagayan at sitwasyon ng mga pamilya sa iba’t ibang barangay.
“Ang Oplan Visita Casa ay batay sa hawak na mga record ng iba’t ibang barangay kung saan tutukuyin ng mga pulis ang mga indibidwal na may mga kaso ng harassment, misdemeanor, at iba pa,” ani ZCPO PIO PLt. Col. Paul Andrew Cortes.
Dagdag pa ni Cortes, na karamihan sa mga rape victim ngayong taon ay mga menor de edad at “ang mga suspek ay may kaugnayan sa mga biktima”.
(Jeth Bandin | La Verdad Correspondent)