Oplan Ukay-Ukay ni BuCor Chief Bato Dela Rosa, inilunsad sa New Bilibid Prison

by Radyo La Verdad | June 13, 2018 (Wednesday) | 5285

Ginalugad sa pangunguna ng corrections officer ng Bureau of Corrections (BuCor) ang maximum security compound ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City ngayong umaga.

Isinagawa ang massive operation na tinaguriang Oplan Ukay-Ukay ni Undersecretary Ronald Bato Dela Rosa, ang director general ng BuCor.

Katuwang ang mga tauhan ng Special Operations Group at Special Weapons and Tactics (SWAT) ng BuCor at ng Special Action Force (SAF) ay pinasok ang Building 5, 9 at 13 ng maximum security compound.

Ayon kay Corrections Senior Inspector Eusebio del Rosario, hepe ng BuCor PIO, labing-apat ang building ng New Bilibid Prison na may higit labingwalong libong papulasyon.

Nasabat sa ilang mga preso ang improvised deadly weapon, construction tools, cellphones at gambling materials.

Ayon kay del Rosario, malaki na ang nabawas sa mga kontrabandong nakumpiska bunga na rin ng serye ng panggagalugad sa mga selda.

Iimbestigahan ang mga nahulihan ng kontrabando at kung maputanayang nagkasala ang mga ito ay maaaring kanselahin ang visiting privileges  at mabawasan o alisin ang good conduct and time allowance nito.

 

( Asher Cadapan / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,