Nalabag umano sa Oplan Tokhang ng Philippine National Police ang karapatan ng mga sumukong drug suspect batay sa committee report ng Senado kaugnay ng extrajudicial killings.
Ayon kay Committee Chairman Sen. Richard Gordon, hindi naipapaliwanag sa mga drug suspect ang implikasyon ng kanilang pag-amin at pagsuko sa mga pulis.
Bagama’t hindi inirekomenda ni Sen. Gordon na ipatigil ang Oplan Tokhang, sinabi naman nito na kailangang siguruhin ng mga pulis na naaayon lagi sa batas ang kanilang ginagawa.
Maliban sa Oplan Tokhang, nais rin sana ni sen. Gordon na magsumite ng report ang police district commanders kada buwan ukol sa bilang ng mga napapatay kaugnay ng kampanya kontra droga.
Nais rin ng senador na pabilisin ng PNP-Internal Affairs Service ang preliminary investigation laban sa mga pulis na nasasangkot sa mga illegal na operasyon at maglagay ng special court na siyang tututok sa kaso ng mga ito.
Samantala, hindi naman isinama ni sen. Gordon ang testimonya ni Edgar Matobato at ang pahayag nito tungkol sa Davao Death Squad ngunit inirerekomendang kasuhan ito dahil sa pag-amin sa mga pagpatay sa Davao City.
Nakasaad rin sa report ang mga hindi naging magandang asal ni Sen. Leila de Lima at Sen. Antonio Trillanes IV sa naging pagdinig ng komite.
Ipapalibot sa mga miyembro ng komite ang kopya ng report at maaaring ngayong linggo rin ay i-sponsor na ito ni Sen. Gordon sa Senate Plenary.
(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)
Tags: lumalabag sa karapatan ng mga sumukong drug suspect, Oplan Tokhang ng PNP, Senate Committee Report