Oplan Ligtas biyahe ng DOTC nagsimula na

by Radyo La Verdad | October 27, 2015 (Tuesday) | 1597

MACKY_LTFRB
Inatasan na ng Department of Transportation and Communication ang lahat ng mga ahensya nito na umpisahan na ang Oplan Ligtas biyahe kaugnay ng paparating na Undas.

Gagawing 24/7 ang operasyon ng mga action center upang makatulong sa mga magkaka-problemang motorista at pasahero na uuwi sa kanilang mga probinsiya sa Undas.

Magdadagdag ng mga security personnel at magdedeploy ng mga K9 unit ang DOTC sa mga bus terminal, airport at pantalan, kabilang na ang mga first aid counter at charging station para sa mga pasahero.

Ang LTFRB at LTO nagsimula na ring magsagawa ng inspeksyon sa mga bus terminal, maglalabas rin ng special permits ang ahensya upang matugunan ang dami ng mga pasaherong uuwi sa mga probinsya ngayong weekend.

Sa kasalukuyan mayroon ng 960 na mga bus ang nag apply para sa special permits upang makabiyahe papasok at palabas ng Metro Manila simula sa biyernes.

Magsasagawa ng random drug testing ang LTFRB sa mga pub driver alinsunod sa anti drunk and drugged driving act upang maiwasan ang aksidente sa daan na kadalasang kinasasangkutan ng mga lasing na driver.

Mahigpit namang ipatutupad sa mga paliparan ang air passenger bill of rights.
Inatasan na ng DOTC ang mga airline company na mag dagdag ng mga tauhan sa mga check in counters upang maiwasan ang mahabang pila ng mga pasahero, mayroon ding mga help desk sa mga airport.

Magkakaroon naman ng regular na operasyon ang LRT, MRT at PNR sa darating na long holiday.

Ang Maritime Industry Authority o MARINA at Philippine Coast Guard ay magsasagawa ng sea worthiness check para sa mga barkong maglalayag ngayong Undas.

Para sa mga sumbong at reklamo maaaring tumawag sa mga DOTC hotline number 7890.(Mon Jocson/UNTV Correspondent)

Tags: , ,