Oplan Lambat Sibat naisalin na sa manual at handa nang ipatupad sa buong bansa

by Radyo La Verdad | December 7, 2015 (Monday) | 3254

LEA_OPLAN-LAMBAT-SIBAT
Handa nang ipatupad ng Philippine National Police ang Oplan Lambat Sibat sa buong bansa laban sa krimen.

Ito’y matapos na maisalin sa manual at maipamahagi sa mga regional directors ng Philippine National Police kasabay ng flag raising kaninang umaga.

Ayon kay PNP Chief P/Dir. Gen. Ricardo Marquez, ang Lambat Sibat manual ang gabay ng PNP na unang sinubukan dito sa National Capital Region, Region 3 at Region 4A laban sa krimen.

Aniya, sa pamamagitan ng manual ng Lambat Sibat na inisyatibo ni dating DILG Sec. Mar Roxas, magkakaroon na ng direksyon at dokumentado na ang bawat operasyon ng mga tauhan ng PNP.

Sa ngayon, ang kailangan na lamang aniya ay ipaintindi sa mga pulis ang nilalaman ng manual sa pamamagitan ng pagsasagawa ng training sa bawat rehiyon.

Sinabi pa ng heneral na may karampatang parusa laban sa sino mang pulis na hindi susunod sa manual at magtatangkang baguhin ang implementasyon nito.

Ang Oplan Lambat Sibat ang anti criminality campaign ng PNP kung saan naglulunsad sila ng mga crime operations, tulad ng checkpoints, patrolling, intelligence operations para sa pagdakip sa mga most wanted person sa ibat ibang lugar.

Kasama din ang lingguhang pagri-report ng crime statistics at accomplishments ng mga station commanders upang malaman kung saan dapat na mag focus at magdagdag ng tauhan ang PNP.

Dagdag ni Gen. Marquez, ang manual ng Oplan Lambat Sibat ay nasa wikang english subalit plano aniya itong isalin sa tagalog at iba pang dialect upang mas maintindihan sa ibat-ibang lalawigan sa bansa.(Lea Ylagan/UNTV Correspondent)

Tags: , ,