BASILAN, Philippines – Arestado ng pinagsanib puwersa ng militar at pulisya ang isa sa mga Provincial Director ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na nakabase sa Basilan.
Kinilala ni Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit 9 Chief PCOL. Tom Tuzon ang naaresto na si Muida Hataman.
Ayon kay PNP Spokesperson PCOL. Bernard Banac, nahuli si Hataman kaninang pasado alas singko ng madaling araw sa Barangay San Rafael, Isabela City sa bisa ng search warrant dahil sa pag-iingat umano ng mga pampasabog.
Nakuha mula kay Hataman ang isang blasting cap, mga sangkap sa pampasabog, apat na cellphone at dalawang laptop.
“Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG region 9 at sumasailalim na po sa imbestigasyon at patuloy na inaalam sa posible pang kasamahan at iba pang gamit sa pampasabog na maaari pang nakatago sa ibang lugar,” ayon kay PCOL. Bernand banac ang Spokesperson ng PNP.
Bagama’t nakatanggap ng impormasyon ang CIDG na konektado sa isang sub-leader ng Abu Sayaf group si hataman, patuloy pa rin itong isinasailalim sa verification at imbestigasyon ng mga otoridad
“Patuloy pang inaalam ng mga taga CIDG kung ano ang kanyang background kung meron ba siyang kinalaman sa grupong ASG at merong kamag-anak at bakit nasa possession niya ang mga naturang gamit pampasabog,” dagdag ni PCOL. Bernard Banac.
Si Hataman ay asawa umano ng Abu Sayyaf sub leader na si Radzmir Janatul.
(Lea Ylagan | UNTV News)
Tags: Abu Sayaf, Muida Hataman, TESDA