Opisyal ng militar na sinasabing tumanggap sa amnesty application ni Sen. Trillanes, lumutang sa DND

by Radyo La Verdad | September 7, 2018 (Friday) | 6135

Aktibong opisyal pa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at kasalukuyang nakatalaga sa Office of the Ethical Standard and Public Accountability ang taong tinutukoy ni Sen. Antonio Trillanes na syang administering officer noong magsumite siya ng kaniyang amnestiya.

Si Col. Josefa Berbigal na noon ay head ng secretariat ng DND Ad-Hoc Commitee ay lumutang kanina sa Department of National Defense matapos siyang ipatawag para sa isang emergency meeting. Eksklusibo itong nakausap ng UNTV pero tumanging humarap sa camera.

Ayon kay Berbigal, ang DND na ang bahalang magpaliwanag kung ano ang nangyari sa pulong.

Ayon kay DND Undersecretary for Operation Cesar Yano na isa sa nakausap ni Berbigal, ikinuwento lamang ng dating administering officer ang nangyari noong 2011 nang nanumpa si Trillanes kaugnay ng sinasabing pagsusumite nito ng aplikasyon para sa amnestiya.

Ayon kay Yano, hindi rin alam ni Berbigal kung nasaan ang amnesty application ng mambabatas.

Ayon naman kay LTC. Efren Abayari, ang operation officer ng provost marshal na nila ang ipinadalang military police sa Senado. Ito’y dahil hinihintay pa nilang makauwi ang  kanilang mga opisyal na kasama ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Jordan bago gumawa ng anomang hakbang patungkol kay Trillanes.

Sa isang pahayag, sinabi naman ng DND at ni AFP Spokesman Col. Edgard Arevalo na hindi muna sila magsasalita ukol sa isyu ni Senator Trillanes dahil may nakahain ng petisyon sa Korte Suprema ukol dito.

Nilinaw din ni Arevalo na nananatiling nagkakaisa at buo ang suporta sa chain of command at rule of law, taliwas sa lumalabas na balita na nagkakaroon ng paksyon sa hanay ng militar dahil sa isyu.

Kinumpirma rin ni Arevalo na nagpapatuloy ang pagbuo nila ng general court martial bilang pagtalima sa Presidential Proclamation Number 572 ng Pangulo.

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,