Opisyal na pagsisimula ng panahon ng tag-ulan, idineklara ng PAGASA

by Radyo La Verdad | May 19, 2022 (Thursday) | 1075

METRO MANILA – Pasok na sa sukatan o pamantayan ang mga weather indication na hudyat na ng pagsisimula ng rainy season.

Kaya naman kahapon (May 18) ay opisyal na ngang inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagsisimula ng rainy season.

Kasunod na rin ito ng naranasang mga pag-ulan at thunderstorm sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa nakalipas na 5 araw.

Kabilang sa kanilang pamantayan ang record ng 25 millimeter rainfall na naitala sa mga station gaya sa Dagupan, sa mga istasyon sa Metro Manila kasama ang Science Garden, Ambulong sa Batangas, at Sangley Point sa Cavite.

Gayon din ang pagpasok ng Southwestern wind o ang hanging habagat.

Kung ikukumpara sa mga nakalipas na taon, mas maaga ngayon ang deklarasyon ng rainy season sa bansa.

Batay sa assessment ng State Weather Bureau, malapit pa rin naman sa kanilang forecast na sa ikatlong linggo ng Mayo hanggang sa pag-uumpisa ng buwan ng Hunyo ang panahon kung saan talaga nagsisimula ang rainy season.

Nagbabala rin ang PAGASA na maaaring maapektuhan na rin ng mga pag-ulan na dala ng Southwest monsoon o habagat ang Metro Manila at kanlurang bahagi ng bansa.

Ngunit posible pa rin anila ang mga tinatawag na monsoon break kung saan makararanas pa rin ng mainit na panahon sa loob ng ilang araw.

Sa forecast ng PAGASA, 1 bagyo ang posible pang pumasok sa bansa hanggang sa pagtatapos ng buwan ng Mayo.

Nagpaalala namang muli ang PAGASA sa publiko ngayong panahon ng tag-ulan na laging magdala ng payong o kapote bilang pananggalang lalo na pagdating ng hapon at gabi.

Sa mga lugar naman na makararanas ng malalakas na pag-ulan, ugaliing laging nakahanda sa posibleng paglikas lalo na kung may panganib ng pagbaha o kaya naman ay landslide.

Gayon din, sa mga area kung saan napabalita na may tinatamaan ng kidlat, paalala ng PAGASA na kapag may naoobserbahan nang mga pagkulog at pagkidlat ay pumasok na ng tahanan upang makaiwas sa disgrasya.

(JP Nuñez | UNTV News)

Tags: