Opisyal na kandidato ng PDP- Laban bilang susunod na House Speaker, posibleng ianunsyo ngayong linggo

by Radyo La Verdad | June 13, 2019 (Thursday) | 9877

Ipauubaya na ng PDP-Laban kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpili kung sino ang magiging kandidato ng partido para maging susunod na lider ng Kamara.

Ayon kay Senator Manny Pacquiao, makikipagpulong siya kay Pangulong Duterte bago lumipad papuntang Estados sa sabado para sa kaniyang laban.

Dito niya hihingin ang desisyon ng Pangulo kaugnay ng kanilang magiging kandidato para sa House Speaker ng 18th Congress.

“Kasi kung mag-suggest ang Pangulo ng hindi PDP iyon, saka ako magsa-suggest na kailangang PDP, kasi PDP ang Pangulo natin.” Ani Sen. Manny Pacquiao.

Pangunahing criteria aniya ng partido para sa susunod na lider ng Kamara ay ang loyalty at patuloy na pagsuporta sa mga programa ng Pangulo.

Sinagot rin ni Senator Pacquiao ang kritisismo ni House Minority Leader Danny Suarez sa pakikialam ng Senador sa usapin ng House Leadership.

Ito ay may kaugnayan sa ginawang pakikipagpulong ng Senador kasama ang tatlong aspirants para sa House Speaker.

 “Hindi naman ako nakikialam, nakikialam ako as kapartido PDP, kailangang ayusin talaga, kung siya ay PDP rin dapat tumulong rin siya para ayusin ang problema kasi kahihiyan ng partido yan kapag hindi nagkakaisa ang isang partido, so iyon ang dapat isipin niya na disiplinahin natin.” Ayon kay Sen. Pacquiao.

Kabilang sa mga aspirants ng ruling party ay sina Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez, Pampanga Representative Aurelio Gonzales at Marinduque Representative Lord Allan Velasco.

Ang ibang contender naman ay sina Leyte Representative Martin Romualdez ng Lakas-CMD Party at Taguig Representative Alan Peter Cayetano na Nacionalista Party.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: , ,