Operator ng mga palaisdaan sa Anda, Pangasinan, nalulugi na dahil sa fishkill dulot ng pabago-bagong panahon

by Radyo La Verdad | May 26, 2016 (Thursday) | 2796

JOSHUA_FISHKILL
Malaki ang lugi ng ilang palaisdaan sa Anda, Pangasinan dahil sa insidente ng fishkill dulot ng mga pag-ulan matapos ang mainit na panahon noong mga nakaraang buwan.

Ayon sa municipal agriculturist ng Anda, noong Biyernes naitala ang fishkill na naka-apekto sa 35-percent ng fish cage units.

Paliwanag ng municipal agriculturist, nagkandamatay ang mga isda dahil sa pagbagsak ng dissolved oxygen sa tubig sanhi ng mainit na panahon at biglaang pag-ulan.

Kapag nagpatuloy ang pagkamatay ng mga alagang bangus at iba pang isda, maaari itong magresulta ng mababang produksyon.

Wala pang tala kung magkano ang kabuuang danyos sa aquaculture industry sa Anda ngunit sa ngayon ay nagsasagawa na sila ng plano upang muling mapataas ang fish production.

Naniniwala rin ang ahensiya na sa simula lamang maitatala ang fishkill dahil sa epekto ng weather transition.

Umaasa rin silang magtuluy-tuloy na ang pagbuhos ng ulan upang malinis ang tubig sa mga palaisdaan.

(Joshua Antonio / UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,