Operational guidelines ng Oplan Tokhang, pirmado na ng PNP Chief

by Radyo La Verdad | January 26, 2018 (Friday) | 3712

Aprubado na ni PNP Chief Police Director General Ronald Dela Rosa ang bagong guidelines para sa muling pagpapatupad ng Oplan Tokhang. Malinaw sa bagong panuntunan ang responsibilidad ng iba’t-ibang unit ng pambansang pulisya.

Ang Directorate for Operations ang taga supervise at monitor sa implementasyon ng tokhang. Ang DO din ang magmo-monitor ng accomplishment ng anti-drug campaign at gagawa ng standard training package katulong ang DPCR at DHRDD.

Ang Directorate for Intelligence naman o DI ang gagawa ng updated na listahan ng illegal drugs personalities. Ito din ang bahalang mag-assess ng mga barangay na clear na sa iligal na droga. Sila din ang regular na magbibigay ng intelligence summaries sa mga Regional at Provincial Police Office.

Ang Directorate for Police Community Relations o DPCR naman ang magmomonitor sa galaw ng tokhangers at maglalabas ng mga impormasyon kaugnay sa PNP anti-illegal drugs campaign kabilang ang Oplan Tokhang.

Sila din ang magsasagawa ng mga advocacy program para hikayatin ang mga drug personalities na sumuko. Ang DPRC din ang gagawa ng mga tamang salita para sa press release na gagawin ng Public Information Office upang ipakalat sa media.

Kasama din sa trabaho ng DPCR ang pakikipag-ugnayan sa mga local government units at ibang stakeholders upang suportahan ang Oplan Tokhang.

Ang PNP Drug Enforcement Group at Intelligence Group naman ang tutulong sa Police Regional Office sa tokhang activities. Kabilang din sila sa pipili sa mga magiging miyembro ng tokhangers.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,