Operasyon ng Uber, sinuspinde ng isang buwan ng LTFRB

by Radyo La Verdad | August 15, 2017 (Tuesday) | 2187

Sinuspinde ng isang buwan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang accreditation ng Transport Network Service Uber.

Sa abisong inilabas ng LTFRB kahapon, isang buwang pinatitigil ang operasyon at online-booking ng mga pasahero ng Uber. Ito ay dahil sa natuklasan ng ahensya na nilabag ng Uber ang kanilang kautusan noong July 26, na itigil na ang pagtanggap at pag-accredit ng mga bagong aplikasyon ng mga Transport Network Vehicle Service.

Inirekomenda naman ng LTFRB sa Uber na bigyan ng pinansyal na ayuda ang libo-libong operator at drivers na apektado ng suspensyon. Inabisuhan na ng LTFRB ang PNP-HPG, LTO at ang MMDA, na siyang magiging katuwang sa panghuhuli ng mga driver na lalabag dito.

Sa isang statement, sinabi ng Uber na natanggap na nila kagabi ang suspension order at kasalukuyang pinag-aaralan ito.

 

Tags: , ,