Operasyon ng Uber sa Southeast Asia, binili na ng Grab

by Radyo La Verdad | March 27, 2018 (Tuesday) | 4397

Opisyal nang nabili ng ride hailing services na Grab ang operasyon ng Uber sa Southeast Asia.

Sa anunsyong inilabas kahapon ng Grab, kinumpirma ng kumpanya na nabili na nila ang ride-sharing at food delivery service ng Uber sa mga bansang gaya ng Singapore, Indonesia, Malaysia, Cambodia, Thailand, Myanmar, Vietnam at Pilipinas.

Dahil dito, sisimulan na rin ng Grab ang gagawing transition at pagko-combine ng kanilang sistema sa Uber na kailangang matapos sa loob ng dalawang linggo.

Kaya naman sisimulan nang asikasuhin ng Uber ang paglilipat ng kanilang mga partner operator sa Grab.

Hanggang ika-8 ng Abril na lamang maaring magamit ng mga pasahero ang mobile application ng Uber sa South East Asia.

Sa oras na matapos ang transition, lahat ng ride bookings at food delivery services ng Uber ay malilipat na sa mobile application ng Grab.

Tiniyak naman ng Uber na ia-absorb ng Grab Philippines ang kanilang mga active at kwalipikadong miyembro.

Nilinaw naman ng pamunuan ng Uber na tanging ang operasyon lamang nila sa Southeast Asia ang mawawala at hindi dito kasama ang kanilang operasyon  sa halos walumpung iba pang mga bansa.

Sa datos ng LTFRB, umaabot sa mahigit animnapung libo ang bilang ng mga operator at driver ng Uber sa Pilipinas.

Samantala, posible namang ipatawag ng Philippine Competition Commission ang mga opisyal ng Uber at Grab upang pagliwanagin kaugnay sa kanilang mga napagkasunduan kondisyon sa kanilang negosyo.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,