Tuluyan na ngang itinigil ang operasyon ng UBER sa Singapore kahapon. Eksaktong 11:59 kagabi ay isinara ang UBER app kasabay ng mensahe ng pasasalamat mula sa management ng Uber sa kanilang mga pasahero.
Matatandaan na dalawang beses na na-delay ang pagsasara ng Uber sa Singapore. Una ay noong ika-7 ng Abril at ang pangalawa ay noong ika-15 ng Abril.
Ito ay dahil sa ginawang pag-iimbestiga ng Competition and Consumer Commission of Singapore (CCCS) sa kasagsagan ng Grab-UBER merger.
Kaalinsabay ng pagsasara ng UBER, inanunsyo naman ng Grab ang tatlong bagong produkto ng Grab application.
Ang Grab-Assist service na nagpasimula na kahapon ay layong mas mapagsilibihan ang mga matatanda at ang mga may kapansanan.
Ang GrabFamily naman ay pasisimulan sa katapusan ng Hunyo at ito ay para naman sa may mga maliliit na anak kung saan ang mga sasakyan ay mayroong car seat para sa mga toddlers.
Para naman sa mga pasahero na nais naman ng mas bago at top-rated drivers, mag-aalok ang Grab ng GrabCar plus na gagamit ng mga sasakyan na hindi lalagpas ng 3 taong gulang.
Ang GrabCar plus ay magsisimulang umarangkada sa katapusan ng Mayo. Ang GrabAssist at GrabFamily ay inadopt ng Grab mula sa serbisyong dating inaalok ng Uber.
Simula ng ianunsyo ng UBER ang pagsasara nila sa Singapore, ilang ride-hailing firms na ang nagpahayag ng kanilang intensyon na pasukin ang Singapore market.
Isa sa bagong ride-hailing firm ay ang Rydex service ng Ryde na nagsimula noong ika-2 ng Mayo.
Ang Jugnoo ng India at ang local firm na filo technologies ay kasalukuyan namang naghahanap ng mga drivers at inaasahang mag-uumpisa ang kanilang operasyon bago matapos ang buwang ito.
( Maila Guevarra / UNTV Correspondent )