Operasyon ng Pasig River Ferry System, mas pinalawig ng I-Act

by Radyo La Verdad | December 9, 2016 (Friday) | 1347

joan_ferry
Inilunsad ngayong araw ng Inter-Agency Council for Traffic o I-Act sa pangunguna ng Department of Transportation ang mga bagong serbisyo ng Pasig River Ferry System.

Layunin nito na matugunan ang dumaraming bilang ng mga pasahero na sumasakay dito ngayong holiday season.

Simula ngayong araw hanggang sa December 31, mas pahahabain pa ang oras ng operasyon ng Pasig Ferry System na magsisimula na 6:30 ng umaga hanggang alas-diyes ng gabi.

Apat na pung minuto naman ang pagitan ng bawat biyahe.

At upang maserbisyuhan ang bulto ng mga pasahero mula Makati hanggang Divisoria, nagdagdag rin ang MMDA ng express o walang stop over na ferry service schedule simula Guadalupe hanggang Plaza Mexico station.

Nasa labing-isang coaster na ang maghahatid sa mga pasahero mula sa istasyon ng Guadalupe patungong Uptown Complex sa Bonifacio Global City sa Taguig.

Habang ang mga mangagaling naman ng terminal ng Escolta ay maaring ihatid ng shuttle service patungo ng China Town Mall at sa Divisoria.

Libre ang pamasahe sa shuttle service ngayon hanggang sa February 2017, at pagkatapos nito ay saka pa lamang magdedesisyon ang I-Act kung magkano ang magiging pamasahe.

Muli namang nanawagan sa publiko ang Department of Transportation na tangkilikin ang Pasig Ferry upang makabawas sa mabigat na traffic sa mga kalsada.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: ,