Operasyon ng MRT, ilang beses na naantala kahapon dahil sa problema sa power supply

by Radyo La Verdad | February 20, 2018 (Tuesday) | 6165

Maagang sinalubong ng aberya ang mga pasahero ng MRT-3 kahapon ng umaga. Umabot sa mahigit sa isang oras na naantala ang operasyon ng mga tren matapos magkaproblema ang power supply ng MRT system.

Batay sa abiso ng MRT management, natuklasan na nagkasalabat ang kable ng kuryente sa pagitan ng North Avenue at Kamuning Station kaya hindi dumaloy ang kuryente na nagpapatakbo sa mga tren.

Ang ginawang power capacity expansion project ng power supply contractor ng MRT na Asia Phil. noong isang gabi ang tinitignang dahilan kung bakit nagkabuhol-buhol ang kawad ng kuryente.

Pasado alas sais na ng umaga ng maibalik sa normal ang suplay ng kuryente, habang alas siete na ng umaga nang magsimulang bumiyahe ang pitong tren ng MRT. Base sa orihinal na schedule, nagsisimula ang unang biyahe ng MRT ng alas singko y medya ng umaga.

Muli namang nagka-aberya ang operasyon pasado alas dos ng hapon dahil sa rin sa problema sa power supply. Sinubukan ng UNTV News Team  na makausap ang mga nangangasiwa sa MRT subalit hindi sila nagpaunlak ng interview.

Pasado alas tres na ng hapon ng muling maibalik sa normal ang biyahe ng mga tren. Muli namang nanawagan sa pamahalaan ang mga pasahero na aksyunan ang matagal nang kalbaryo sa MRT.

Una nang ipinangako ng Transportation Department na kasabay ng pagdating ng mga inorder na piyesa ng mga tren ngayong Pebrero ay unti-unti nang bubuti ang serbisyo ng MRT sa mga susunod na buwan.

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,