Operasyon ng concrete batching plant sa Brgy. Palingon, Taguig City, inirereklamo ng mga residente

by Radyo La Verdad | November 9, 2018 (Friday) | 3598

Hindi na makatiis ang mga residente ng Barangay Wack-Wack, Palingon, Taguig City sa perwisyong dulot umano ng concerete batching plant sa kanilang lugar.

Reklamo ng mga residente, sari-saring sakit na ang kanilang nakukuha dahil sa operasyon ng pagawaan ng semento at nangangamba silang lumala pa kapag hindi naipasara ang planta. Nababalot na rin ng makapal na alikabok ang mga bahay sa lugar.

Dahil sa karaniwang sa gabi ang operasyon ng planta, malaking istorbo rin ito sa kanilang pagtulog. May ilang bahay na rin na nagkaroon ng mga bitak sa lakas umano ng pagyanig sa tuwing gumagana ang jack hammer sa planta.

Sumulat na ang mga residente sa Department of Health–National Capital Region upang iparating ang kanilang sitwasyon ngunit wala silang natatanggap na tugon dito.

Ayon naman sa kapitan ng barangay, nagkroon na ng pagdinig sa City Health Office noong Martes, kasama ang mga residente at kinatawan ng batching plant.

Dahil kulang pa sa permit ang naturang planta, pinatitigil muna ang operasyon nito. Pero sumbong ng mga residente, itinuloy pa rin ng planta ang operasyon Martes ng gabi matapos ang hearing.

Bukas ng umaga, nakatakdang mag-inspeksyon sa planta ang CENRO, barangay health office at barangay officials, kasama ang mga residente.

Nangako naman ang kapitan ng barangay na ikokonsidera ang hinaing ng mga residente bago ilabas ang desisyon kung dapat nga bang ipasara ang planta.

Sinubukan ng UNTV News na kunin ang pahayag ng kinatawan o may-ari ng planta ngunit ayon sa security guard ay wala raw ito sa kanilang tanggapan.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,