Operasyon ng bus company na sangkot sa Tanay bus accident, sinuspinde ng LTFRB

by Radyo La Verdad | February 21, 2017 (Tuesday) | 1652


Pansamantalang pinatitigil ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang operasyon ng Panda Coach Tourist and Transport Incorporated.

Ito ay matapos ang madugong aksidente na kinasangkutan ng isa sa mga bus nito kahapon sa Brgy.Sampaloc, Tanay, Rizal.

Sakop ng 30-day preventive suspension order na inilabas ng LTFRB ang limang bus unit ng bus line.

Nagtakda naman ng LTFRB ang pagdinig sa kaso sa February 28.

Kabilang sa mga ipatatawag ang operator at ilan pang mga namamahala sa Panda Coach Tourist bus.

Kasama rin sana sa mga iimbitahan sa paglilitis ang driver ng bus na si Julian Lacorda, 37 anyos, subali’t kahapon ay binawian rin ito ng buhay matapos na magtamo ng malubhang pinsala sa katawan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nawalan umano ng preno ang naturang bus hanggang sa bumangga ito sa isang poste ng kuryente, at dahil sa lakas ng impact ay halos masira ang buong bus.

Sa datos ng ahensya, July 2016 ng maaprubahan ang prangkisa ng Panda Coach Tourist bus, na nakatakda namang mag-expire sa February 2019.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,