Operasyon ng 5 kumpanya ng motorcycle taxis, nais ipatigil ng isang commuter group

by Radyo La Verdad | December 9, 2019 (Monday) | 6875

Naghain ng petisyon ngayong araw, Dec. 9, 2019 sa Quezon City Regional Trial Court ang grupong Lawyers for Commuter Safety and Protection na humihiling na ipatigil ang operasyon ng limang kumpanya ng motorcycle taxis.

Kabilang sa mga ito ang We Move Things Philippines Incorporated o Joyride, Habal Rides Corporation, I-sabay, Sampay-Dala Corporation at Trans-serve Corporation.

Ayon sa grupo, pawang mga colorum ang operasyon ng naturang mga motorycle taxis na tinatangkilik na ng maraming mga pasahero.

Giit ni Attorney Raymond Fortun, lubhang delikado kung patuloy na papasada ang mga ito dahil walang hindi dumaan sa training ang mga rider nito at walang ring isnurance ang mga pasahero nito.

“All of them obviously are not being regulated with regard to certain standards, ano po yang standards na yan? Ultimong minimum na training para dun sa mga motorcycle riders nila wala pong supervision, kung yan po ay merong tamang helmets para dun sa rider as well as commuter wala pong supervision, hindi sila nakikipag coordinate with regards to possible insurance,” ani Atty. Raymond Fortun, Member, Lcsp.

Nilinaw ng grupo na hindi sila tutol sa pagkakaroon ng kompetisyon sa kabila ng pagsusulong na ipahinto ang operasyon ng iba pang motorcycle taxis.

“Linawin lang natin na hindi kami against sa competition. We are pushing for competition dahil importante na regulate itong mga motorcycle taxis,” ayon kay Atty. Vicente Topacio, Secretary General, ICSP.

Nauna nang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na may 6 pang kumpanya ng motorcycle taxis ang nagpahayag ng kanilang interes na makapag operate sa Pilipinas at sumailalim rin sa pilot testing tulad ng Angkas.

Samantala nakatakda namang matapos sa December 26 ang pilot testing ng Angkas.

Sa ngayon ay hinihintay pa ng Department of Transportation ang pinal na ulat mula sa technical working group kaugnay sa resulta ng anim na buwang pilot testing. Dito matutukoy kung posible nang payagan ang ligal na  operasyon ng mga motorcycle taxis sa bansa kaakibat ang pagpapasa ng Kongreso ng batas ukol dito.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , , , ,