Mapapalawak na ng Philippine National Police ang operasyon nito laban sa ilegal na droga.
Itoy matapos na pormal na ilunsad ng PNP- Anti Illegal Drugs Unit o AIDG matapos ang 7 taon simula nang hilingin ito sa NAPOLCOM.
Ayon kay PNP Chief P/Dir.Gen. Ricardo Marquez, bukod sa sariling budget at dagdag na tauhan ay magkakaroon na rin ng opisina ang AIDG sa ibat ibang rehiyon sa bansa.
Subalit uunahin muna ang paglalagay ng opisina sa Region 6 at Region 7 kung saan may malaking problema sa droga.
Agad namang nagpasiklab ang AIDG matapos na magsagawa ng operasyon sa isang bahay sa 24 Topman Subdivision, El Grande Ave. Las Pinas city na hinihinalang pagawaan ng shabu.
Ayon kay PNP IADG Legal and Investigation Chief P/CInsp. Roque Merdegi Jr., nakumpiska nila ang 7 packs ng shabu at ephedrine na may 13 kilograms na nagkakahalaga ng 20 million pesos.
Kakasuhan ng paglabag sa Republic act 9165 ang dalawang babaeng nadakip.
Nagbabala rin si DILG Sec. Mel Senen Sarmiento sa mga barangay officials na hindi magre-report ng problema sa droga sa kanilang barangay.
(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)
Tags: ilegal na droga, Operasyon, PNP Anti Illegal Drugs Group