Open pit mining, ipagbabawal na ng pamahalaan – DENR

by Radyo La Verdad | July 5, 2018 (Thursday) | 3724

Kailangang makahanap na ng ibang pamamaraan ang mga kumpanya ng minahan sa bansa para makuha ang mina na hindi ibubuyangyang ang lupa o ang tinatawag na open pit mining.

Ito ngayon ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte ayon kay Sec. Roy Cimatu kasabay ng pagdiriwang ng ika-31 anibersaryo ng kagawaran.

Nito lamang ika-2 Hulyo ay binanggit din ng Pangulo sa isang event sa Samar ang plano nito sa mga minahan sa bansa. Kakarampot aniya ang P70B na kinikita sa mining kumpara sa nagiging epekto nito sa kalikasan.

Sa ngayon ay sumasailalim sa review o pagsusuri ang 27 minahan sa bansa na ipinag-utos na ipasara at suspindihin ni dating DENR Secretary Gina Lopez.

Sa inisyal na resulta ng review na inilabas ng Mineral Industry Coordinating Council (MICC), 4 lamang ang umano’y nakitaan ng paglabag sa batas pangkalikasan. Tinuligsa naman ito ng Alyansang Tigil-Mina.

Kahit ang dating kalihim ng DENR na si Gina Lopez ay hindi rin kumbinsido sa ginagawang review ng MICC.

Ayon kay Cimatu, sa Agosto pa ilalabas ang resulta ng mining review.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,