Online sellers na magpaparehistro sa BIR, pwedeng makakuha ng benepisyo sa pamahalaan – DOF

by Radyo La Verdad | June 16, 2020 (Tuesday) | 17264

MANILA – Maraming mga online seller ang nangangamba at tumututol sa kautusan ng Bureau of Internal Revenue kung saan inoobliga ang mga ito na iparehistro ang kanilang negosyo sa BIR. Pero ayon sa Department of Finance may magandang epekto sa pagpapatakbo ng negosyo kung nakarehistro o lehitimo ang mga ito.

Ayon kay Department of Finance Assistant Secretary Antonio Lambino II, pwedeng makakuha ng benepisyo mula sa pamahalaan ang mga online seller na rehistrado sa BIR.

Kabilang na aniya rito ang pautang na may mababang interes na iniaalok ng Department of Trade and Industy, at pwede ring mag-qualify sa wage subsidy program kung mayroon silang mga empleyado sa kanilang pagnenegosyo.

Muling iginiit ng DOF na hindi nila pagbabayarin ng buwis ang mga online seller na kumikita lamang ng maliit.

Sa halip ay nais lamang nila na maipatupad ng tama ang batas na nakasaad sa ilalim ng National Internal Revenue Code of the Philippines.

“It is not only a requirement and an act of good citizenship it also comes with benefits. Hindi po natin layunin na habulin ang lahat ng nga online seller para sa mga taxes, ang gusto lang po talaga natin masunod ang batas that is actually applicable to all na nagnenegosyo,” ani Asec. Antonio “Tony” Lambino II, DOF.

Nauna na ring sinabi ng DTI na bukod sa pagpapaibayo sa consumer protection, malaking tulong rin sa binabalangkas nilang e-commerce road map ang hakbang na ito ng BIR.

Ayon pa sa DTI, mas madali nilang maisasama sa mga consultation at implementasyon ng programa ang mga online sellers kung may database ang mga ito na pwedeng hiramin sa BIR.

Para sa mga online seller na magpaparehistro ng kanilang negosyo, pumunta lamang sa pinakamalapit na BIR office sa kanilang lugar.

Magdala ng valid government IDs,iprisinta ang certificate of business name registration mula sa DTI kung may partikular na pangalan ang negosyo.

Hindi na kailangang kumuha pa ng mayor’s permit. Magbayad ng 500 pesos na processing fee at dagdag na 30 pesos para sa documentary stamp tax.

Ayon sa BIR, maaring makuha sa mismong araw ng aplikasyon ang certificate of registration.

Hinihikayat ang mga online seller na magparehistro hanggang sa July 31, pero sakaling mahuli ay wala pang ipapataw na multa ang BIR.

May babala naman ang BIR sa mga online seller na hindi magpaparehistro lalo na sa malalaking online services na kumikita nang mahigit sa two hundred fifty thousand annual income.

“Pag nahuli ka magbabayad ka ng penalty kasi patuloy kang nagnenegosyo hindi ka nagrerehistro, bawal po yun kailangan, magrehistro ka at magbayad ka ng buwis,” ani Arnel Guballa, Deputy Commissioner, BIR.

(Joan Nano)

Tags: , , ,