Online sellers, magmumulta kung hindi magrerehistro at magbabayad ng kaukulang buwis hanggang July 31 – BIR

by Erika Endraca | June 12, 2020 (Friday) | 10897

METRO MANILA – Patuloy ang paglaganap ng online selling sa gitna ng ipinatutupad na community quarantine sa bansa.

Kaya naman nagpaalala ang Bureau of Internal Revenue (BIR)  sa mga online seller ng kanilang responsibilidad sa pamahalaan.

Batay sa revenue memorandum circular number 06-2020, ang mga nagnenegosyo at kumikita gamit ang electronic commerce o media at digital transactions ay kailangang magparehistro.

Dapat din ay nagbabayad ang mga ito ng kaukulang buwis na itinakda ng BIR.

Kinakailangan din na boluntaryong ideklara ng negosyante ang kaniyang naging mga transaksyon sa nakalipas na panahon at bayaran ang karampatang tax bago ang katapusan ng Hulyo.


Ayon naman sa Nationwide Association of Consumers Inc. (NACI), hindi makatotohan at hindi produktibo ang patakarang ito ng BIR lalo na sa maliliit na E-commerce businesses.

Ngunit nilinaw ng bir na maaaring ma-exempt o hindi magbayad ng buwis ang mga negosyanteng maliliit lang ang kinikita.

Sa ilalim ng tax reform for acceleration and inclusion or train law, exempted sa pagbabayad ng buwis ang mga indibiduwal na may annual o taunang kita na P250,000 pababa.

Kailangan lang ay rehistrado ang mga ito sa BIR at idineklara ang kanilang mga kinikita.

Binibigyan ng kagawaran ang mga online sellers ng hanggang July 31 upang mag-comply sa mga panuntunang ito.

Maaaring magpunta sa tanggapan ng pinakamalapit Na Revenue District Office (RDO) na nakakasakop sa lugar kung saan nakatira ang individual taxpayer para sa pagrerehistro at ano pa mang kinakailangang update sa BIR.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,