Online campaigning, pinag-aaralan ng COMELEC bilang alternatibo sa pisikal na pangangampanya

by Erika Endraca | February 4, 2021 (Thursday) | 19075

METRO MANILA – Dahil hindi pa rin nawawala ang banta ng Covid-19, isa sa tinitingnang alternatibong paraan ng pangangampanya ng mga kakandito sa 2022 elections ay ang online campaigning.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, prayoridad ngayon ang kaligtasan ng publiko  kaya posibleng magkaroon ng pagbabawal o paglimita sa face-to-face election campaign.

Pero ayon kay Senator Francis Pangilinan, tila masyadong mahigpit kung talagang pagbabawalan ang pisikal na pangangampanya.

Maaari aniyang tingnan ang pagbabawal sa malalaking campaign activities at payagan ang maliliit na pulong basta’t masusunod ang health protocols.

Si House Deputy Minority Leader Carlos Zarate, nananawagan din sa comelec na pag-aralan nang maigi ang panukala.

Giit ng mambabatas, mga mayayamang kandidato lamang ang makikinabang sa online at media advertisement campaining.

At kung mangyayari ito, magiging paligsahan lang umano ng ‘rich and famous’ ang darating na halalaan.

Ayon naman kay senate Committee on Electoral Reforms Chairperson Imee Marcos, kailangan na talagang limitahan ang nakagawiang pangangampanya sa ilalim ng new normal kahit pa magkaroon na ng bakuna sa bansa.

Pero pangamba rin ng senador, paano naman makikilala ng lubos ng mga botante sa mga nasa liblib na lugar ang mga kandidato kung hirap ang internet connection?

Paglilinaw ng Comelec, pinag-aaralan pa lamang ang panukala at isusumite pa ito sa Interagency Task Force kung aaprubahan o hindi.

Aminado rin si National Task Force Against Covid-19 Chief Implementer Sec. Carlito Galvez na mapanganib pa ang pisikal na kampanya lalo na sa mga matataong lugar.

Tatalakayin umano ni Galvez kasama ang Comelec ang magiging sistema sa darating na halalan.

Ayon sa Comelec, kasama rin umano sa kanilang pag-aaral ay kung paano masisigurong mabibigyan ng pantay pantay na pagkakataon sa pangangampanya ang lahat ng kandidato sa posibleng alternatibo na online campaigning.

Makikipag-ugnayan rin umano ang Comelec sa mga major social media platforms gaya ng facebook at twitter para sa stratehiya upang maiwasan ang pagkalat ng mga maling impormasyon.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: ,