Online appointment para sa passport na may 10-year validity, binuksan na ng DFA

by Radyo La Verdad | December 11, 2017 (Monday) | 2832

Sisimulan na ng Department of Foreign Affairs sa January 2018 ang pag-iisyu ng pasaporte na mayroong 10-year validity. Alinsunod ito sa Republic Act 10928 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto na naglalayong palawigin hanggang sa sampung taon ang bisa ng Philippine passport maliban sa mga i-syung pasaporte sa mga menor de edad na mananatili sa limang taon ang validity.

Kaya naman sa nagnanais na mag-apply o magrenew ng kanilang pasaporte, maaari na kayo ngayong makakuha ng passport appointment online sa www.passport.gov.ph/appointment. Maaaring makapagpa-schedule ng individual o group appointment, pumili lamang ng petsa na mayroon pang available slot.

Hindi naman kailangang kumuha ng appointment ng mga senior citizen na mayroong ID, may mga kapansanan, single parent na mayroong valid solo parent ID, mga buntis na mayroong medical certificate at mga pitong taong gulang na bata pababa.

Samantala pareho pa rin ang passport fees: 950-pesos para sa regular na pagpoproseso at 1,200-pesos naman para sa express processing. Paalala naman ng DFA sa mga aplikante, libre ang pagkuha ng appointment at mag-ingat sa mga fixer.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

Tags: , ,