Online abuse sa mga bata, tatalakayin sa ‘Safer Internet Day’

by Radyo La Verdad | February 3, 2022 (Thursday) | 11237

Nagsanib puwersa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Internet Service Providers (ISPs) sa gaganaping isang buwang pagdiriwang ng Safer Internet Day for Children Philippines (SID PH) na magsisimula sa February 8.

Iikot ang selebrasyon sa temang “Click, Respect, Connect – CRC Next Level: Ligtas na Ugnayan Online”.

Magtuturo ang ISPs sa isang forum patungkol sa mga magagamit na teknolohiya patungkol sa pagtalakay at paglaban sa online sexual abuse at pananamantala sa mga bata sa gaganaping kick off activity.

Kasama ring ibabahagi ang mga safety mechanism, teknolohiya, software, at system na maaaring gamitin sa paghaharang at pagsasala ng mga child sexual abuse at exploitation material.

Pangungunahan ang selebrasyon ng DSWD at Inter-Agency Council Against Child Pornography para magpakalat ng kamalayan at masiguradong maiingatan ang mga bata laban sa mga banta at pang-aabuso dahil sa maling paggamit ng internet o kawalan ng malay sa seguridad nito.

Itinala na tuwing tuwing ikalawang Martes ng Pebrero ang Safer Internet Day (SID PH) ayon sa mandato ng Presidential Proclamation No. 417 noong 2018.

Nagsimulang maipakilala sa 4 na bansa sa Europe noong 2004 ang Safer Internet Day at kasalukuyang isinasagawa na sa mahigit 100 na bansa.

(Ritz Barredo | La Verdad Correspondent)

Tags: