‘One Tablet, one student’ bill, isinusulong ni Sen. Loren Legarda

by Radyo La Verdad | July 20, 2022 (Wednesday) | 466

METRO MANILA – Binigyang diin ni Senator Loren Legarda ang halaga ng pagbibigay ng kalidad na edukasyon sa lahat ng mag-aaral sa bansa sa pamamagitan ng pagtulong sa mga ito na makapagpatuloy kaalinsabay sa hamon ng pandemya, kaya niya idineklara ang Senate Bill 1 o ang “One Tablet, One Student Act of 2022.”

Naglalayon ang bill na mabigyan ng tablet ang mga Pilipinong mag-aaral sa elementarya at sekondarya sa mga pampublikong paaralan maging sa mga nasa State University at Kolehiyo, na makatutulong sa kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng online class learning system na patuloy na ipinatutupad ng Department of Education (DepEd) mula nang magsimula ang pandemya.

Ayon pa kay four-term senator, bibigyan ng pondong pang-internet ang mga mag-aaral na mayroong sariling gadget upang madaling makapasok sa kanilang online classes at mabayaran ang gastos ng connectivity.

Magkatuwang ang DepEd at ang Commission on Higher Education (CHED) na ipatupad ang programa at tukuyin ang mga mag-aaral na kwalipikado sa nasabing programa, epektibong distribution system, pagbuo ng nga guidelines sa paggamit, maintenance, at accountability para sa tablet.

Kahit na inanunsyo na ng DepEd ang full face-to-face classes sa Nobyembre, ayon kay Senator Legarda, makakatulong pa rin ang nasabing programa dahil sa patuloy na pagtaas ng rate ng kaso at positivity rate ng COVID-19 sa bansa.

(Ritz Barredo | La Verdad Correspondent)

Tags: