One-stop shop, inilunsad sa Boracay para sa requirements ng lahat ng mga establisyemento sa Boracay

by Radyo La Verdad | July 31, 2018 (Tuesday) | 5318

Alinsunod sa panukala ng Pangulo sa pagpapatupad ng ease of doing business law sa bansa, isang one-stop shop ang inilunsad ng Boracay inter-agency task force sa Boracay kahapon.

Kabilang sa bumubuo ng one-stop shop ay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang Department of Tourism (DOT).

Kasama rin sa one stop shop ang BFP at iba pang licensing offices ng pamahalaan.

Ito ay upang mapadali ang pagproseso ng mga permits, compliance certificates at accreditations ng mga establisyemento sa Boracay na kinakailangan upang makapag-operate ang mga ito sa re-opening ng isla sa ika-26 ng Oktubre.

Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, nais nilang masiguro na lahat ng mga estblisyemento sa isla ay compliant sa mga ipinatutupad na batas sa isla at kumpleto sa mga permits at tourism accreditation.

Matatandaan na noong ika-16 ng Hulyo ay unang sinabi ni Cimatu na susupendihin nito ang Environment Compliance Certificates (ECC) ng lahat ng mga establisyemento sa Boracay.

Ika-18 ng Hulyo naman ng ibinaba ng pormal sa mga establishment owners sa isla ang suspensyon ng kanilang mga ECCs.

At upang mabigyang linaw ang mga agam-agam ng mga establishment owners sa Boracay, ika-25 ng Hulyo naman nang inilatag ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan ang mga requirements ng kani-kanilang ahensya upang payagang makapag operate ang mga esblishments sa re-opening ng isla.

 

( Vincent Arboleda / UNTV Correspondent )

Tags: , ,