P400,000 cash bond ang ipinalalagak ng Bureau of Immigration sa mga organizer ng concert ng One Direction dito sa MOA concert grounds sa Marso 21.
Kaugnay ito ng inihaing petisyon ng anti-drugs group na Laban ng Pamilyang Pilipino kontra sa paggamit umano ng ilegal na gamot ng ilang miyembro ng international boy band mula sa United Kingdom.
Ipinahayag ni Atty. Cherry Ching ng Laban ng Pamilyang Pilipino na nag-ugat ang kanilang apela sa Youtube video na gumagamit ng marijuana ang mga One Direction member na sina Zayn Malik at Louis Tomlinson bago ang kanilang concert.
Kabilang sa mga dapat ilagak ng concert organizers ang tig-P200,000 cash bond at tig-P20,000 express lane fee para kina Malik at Tomlinson. Ayon kay BI Commissioner Siegfred Mison, kapag gumawa ng mga paglabag o gumamit ng illegal na droga ang grupo ay hindi na nila makukuha ang cash bond.
Sakali naman tumanggi na maghain ng cash bond ang concert organizers ay hindi nila ilalabas ang special work permit para sa One Direction.
Nilinaw naman ng Laban ng Pamilyang Pilipino na hindi ang One Direction ang tinutuligsa nila kundi ang posibleng impluwensya ng grupo sa libo-libo nitong fans sa paggamit nila ng ipinagbabawal na gamot