On-site work, hinihikayat ng DTI sa mas maraming empleyado sa ilalim ng new normal

by Radyo La Verdad | March 2, 2022 (Wednesday) | 573

METRO MANILA – Hinihikayat ngayon ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagta-trabaho on-site at mabawasan ang work-from-home set up ngayong patungo na sa new normal ang bansa.

Sa isinagawang Talk to the People nitong Lunes (Feb. 28), nananawagan si DTI Secretary Ramon Lopez sa mga empleyado na panahon na para magtrabaho sa kani-kanilang opisina upang makabangon ang ekonomiya ng bansa.

Dagdag pa ng kalihim, makikinabang naman ang mga nasa Small and Medium Enterprises (SME’s) at mga transport sector dahil sa pagbaba sa Alert Level 1 ng buong Metro Manila at iba pang lalawigan.

Samantala, gagawing opsyonal na lamang ang work-from-home setup para sa mga empleyado at mga kumpanya.

Sa ilalim ng new normal, pinahihintulutang makapag-operate in full capacity ang mga business establishment kung saan hindi na ipinaiiral ang physical distancing ngunit mananatiling mandatory ang pagsusuot ng face mask.

Aniya, umaasang ang pamahalaan na mapapababa ang unemployment rate ng bansa sa pre-pandemic level na 5% at 800,000 trabaho ang makaka-recover.

(Daniel Dequiña | La Verdad Correspondent)