Omicron variant, isa nang dominant COVID-19 variant sa bansa; Pilipinas, nasa critical risk na – Sec. Duque

by Radyo La Verdad | January 11, 2022 (Tuesday) | 812

METRO MANILA – Itinuturing ng dominant variant sa Pilipinas ang mas nakahahawang Omicron variant, pinalitan na nito ang Delta variant.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III base sa genome sequencing noong January 3, mula sa 48 samples, 60.42% o 29 na kaso ay Omicron, habang 18 naman ang Delta cases.

“Base sa aming pinakahuling run of our whole genome sequencing 60% na po ng mga samples na nasequence ay positive for Omicron variant so siya na po ang nagdodominate na variant whereas before it was the Delta” ani DOH Sec. Francisco Duque III.

Dagdag pa ni Duque, nasa critical risk na rin ang buong bansa dahil sa pagtaas ng bilang kaso ng COVID 19.

Kaya ang pakiusap muli ni Pangulong Rodrigo Duterte, magpabakuna na ang lahat bilang proteksyon sa COVID 19.

“Today more than 213 million covid vaccine doses have been delivered to the country I strongly urged our kababayan again it can save you sa kamatayan mabuti sana kung omicron lang , e kung dumapo sa iyo COVID-19 Delta, paano nayan ngayon” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez, target na bago matapos ang June 2022 ay mabakunahan na ang 90 million na mga Pilipino.

Kaugnay nito, ayon pa kay Galvez, kinakailangan ring makabili pa ang bansa ng 70 million doses para sa booster shots at 26 million doses naman na bakuna para sa mga batang may edad 5 hanggang 11.

Pero nababahala ang kalihim sa posibleng maging epekto ng pagtaas ng kaso ng COVID sa mga isinasagawang bakunahan.

Pinagkalooban naman ng Food and Drug Administration ang Department of Health ng compassionate special permit para sa paggamit ng Bexovid. Isang anti COVID-19 pill na generic version ng Paxlovid na ginawa ng Pfizer.

Nakipagusap na rin ang FDA sa Pfizer para sa kanilang Emergency Use Authorization (EUA) application sa paggamit ng Paxlovid.

Base sa presentasyon ni FDA Director Oscar Gutierrez, posibleng isumite ng Pfizer ang kanilang EUA application sa huling linggo ng Enero.

(Nel Maribojoc | UNTV News)