Omicron COVID-19 variant, may community transmission na sa Metro Manila – DOH

by Radyo La Verdad | January 17, 2022 (Monday) | 2283

METRO MANILA – Pumalo na sa 3.205 million ang kabuoang COVID-19 cases sa Pilipinas.

Noong sabado (January 15), pumalo sa 39,004 ang naitalang kaso habang umabot naman sa 37,154 COVID cases ang naiulat kahapon (January 16).

Ayon sa Department of Health (DOH), araw- araw nasa mahigit 2,000 ang itinataas ng kaso.

Kaya naman maaari pang mag- doble ang active cases sa Pilipinas na ngayon ay nasa 287,856 na.

Ayon pa sa DOH, inaasahang tataas pa ito dahil hindi pa naaabot ang peak ng COVID-19 cases sa bansa.

“We are still yet to see the peak na baka po mangyari sa dulo ng buwan na ito or even later or about second week of February at nakikita ho natin na maaari pang mag doble ang numero ng active cases natin compared to today by that time of February 15” ani DOH Spokesperson, Usec Maria Rosario Vergeire.

Naniniwala naman ang DOH na malinaw na may community transmission ng Omicron sa NCR dahil sa dami ng naitatalang hawaan kada araw. 17,124 ang average COVID-19 cases kada araw sa rehiyon ngayon. Kumpara sa 6,500 lang na average na naitala noong nakalipas na 2 linggo.

Bukod sa NCR, nakakakita rin ng paglobo ng kaso sa Calabarzon, Central Luzon, Cordillera Administrative Region, Western Visayas, Eastern Visayas at Bicol Region.

“We still are guided by the numbers that we get from our laboratories those testing positive. Although katulad nga po ng sinasabi natin, meron po talagang ibang porsyento ng mga nagkakasakit na hindi na natin naitatala dahil first, they opt not to have their test anymore and they just isolate. Iyong iba, meron delays sa turnaround time po ng ating laboratories. But we look at trends also, we just don’t look at the specific numbers per day.” ani DOH Spokesperson, Usec Maria Rosario Vergeire.

Muli namang ipina-alala ng DOH ang akmang paraan ng paggamit sa antigen test upang hindi makakuha ng false result.

Ito ay ginagamit sa mga may sintomas at na- expose sa mga positibo sa COVID-19 lalo na sa mga lugar na mataas ang kaso at malawak ang hawaan.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: