Omicron BA.5 Subvariant, malaki ang posibilidad na may local transmission na sa Pilipinas – DOH

by Radyo La Verdad | June 6, 2022 (Monday) | 4613

METRO MANILA – Dalawang kaso ng Omicron Subvariant BA.5 ang na-detect sa Central Luzon mula sa iisang sambahayan nitong Mayo.

Fully vaccinated at fully recovered na ang mga ito nguni’t iniimbestigahan pa ng Department of Health (DOH) kung saan sila nahawa ng naturang virus.

Ito ay dahil hindi naman sila galing sa ibang bansa at sa Bulacan lang bumiyahe para bumoto noong May 9 elections, wala ring travel history ang kanilang mga close contacts.

Sa isang hiwalay na pahayag, nilinaw ng DOH ang kaibahan ng local transmission sa community transmission.

Ayon sa DOH, ang local transmission ay kapag may na- detect na mga kaso dito sa Pilipinas at walang linkage o kaugnayan sa mga kaso sa ibang bansa.

Ang community transmission naman, ibig sabihn anila nito ay sanga- sanga na mga naitalang kaso, lumawak na ang hawaan at hindi na maiuugnay sa ibang COVID-19 cases.

Batay sa pag- aaral ng mga eksperto, mas nakahahawa ang Omicron Subvariants BA.4 at BA.5 kumpara sa Omicron BA.2 sublineage

Samantala, ayon din kay DOH Spokesperson Usec. Maria Rosario Vergeire, dahil hindi pa tapos ang COVID-19 pandemic.

Posibleng matuloy hanggang sa pagpasok ng Marcos administration ang umiiral na COVID-19 alert level system sa Pilipinas.

Mayorya ng mga rehiyon sa bansa ay nasa alert level 1 na nguni’t may mga lugar pa ring nakalagay sa alert level 2 hanggang June 15.

Ito ay dahil kailangan pang palawakin ang kanilang COVID-19 vaccination coverage.

Kabilang dito ang Cordillera Administrative Region, Calabarzon, MIMAROPA, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, Caraga at BARMM.

Matatapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa June 30  saka naman papasok ang adminstrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: ,