Hindi magsasagawa ng motu propio investigation ang Office of the Ombudsman laban kay Senator Leila de Lima.
Katwiran ni Ombudsman Conchita Carpio Morales, wala pang basehan upang gawin ito sa ngayon dahil pawang alegasyon lamang ang ipinupukol sa senadora.
Sa ngayon ay dalawa na ang reklamong isinampa sa Dept. of Justice laban kay Sen. De Lima dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa illegal drug trade.
Kapag natapos ang imbestigasyon ng binuong DOJ panel ay saka pa lamang ito isusumite sa tanggapan ni Morales.
Kamakailan ay naghain rin ng reklamo laban kay De Lima ang Chief of Police ng Albuera Leyte sa Ombudsman Visayas ngunit hanggang ngayon ay hindi pa ito nakakarating sa kanyang tanggapan.
Samantala, wala pa ring isasampang kaso ang Ombudsman sa limang PNP generals na sangkot sa drug trade hangga’t hindi natatapos ang ginagawang imbestigasyon ng Philippine National Police.
Sa ngayon ay nagsasagawa ng lifestyle check ang Ombudsman sa limang PNP generals na dawit sa drug trade.
(Mon Jocson / UNTV Correspondent)
Tags: Ombudsman, Sen. De Lima, wala pang nakikitang dahilan upang imbestigahan