Nagsumite ng motion for reconsideration ang Office of the Ombudsman sa korte suprema na humihiling na bawiin ang nauna nitong desisyon na makapagpiyansa si Senator Juan Ponce Enrile sa kaso nitong plunder kaugnay ng PDAF scam.
Nais ng Ombudsman na baligtarin ng korte suprema ang desisyon nito noong August 18 na makapagpiyansa si Senator Enrile para sa pansamantala nitong paglaya.
Sinabi ng Ombudsman na paglabag sa saligang batas at mga alituntunin ng korte na payagang makapagpiyansa ang senador.
Paglabag din umano sa karapatang pantao ang desisyon dahil hindi dumaan sa tamang proseso ng batas ang pinagbatayan ng korte suprema na dahil sa kalusugan ni Enrile kaya pinayagan itong makapagpiyansa.
Hindi rin umano pantay na pagturing ng batas sa lahat ng mga tao ang pahintulutang makapagpiyansa ang senador na nasasangkot sa maanomalyang paggamit ng pork barrel.
Isinumite ng Ombudsman ang kanilang mosyon sa korte suprema nito lamang nakalipas na biyernes.(Rosalie Coz/UNTV Correspondent)