Patuloy pa rin ang ginagawang pagsisiyasat ng Office of the Ombudsman hinggil sa Mamasapano incident.
Tiniyak ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na masusi ang kanilang ginagawang imbestigasyon sa kaso.
Noong nakaraang taon ay kinumpirma ng Ombudsman na mayroong kasong haharapin si dating PNP Chief Alan Purisima at dating PNP Special Action Force Director Getulio Napeñas.
Tanging si dating Pangulong Benigno Aquino III na lamang ang isa sa mga may malaking pangalan na inireklamo sa Mamasapano incident na hindi pa kinakikitaan ng probable cause.
Ayon kay Ombudsman Morales, patuloy ang kanilang pagsisiyasat at hindi basta basta dapat madaliin na pagtibayin na mayroong probable cause laban sa dating pangulo.
Sinigurado ni Morales na bago matapos ang kanyang termino ay makapaglalabas sila ng resulta sa kanilang pagsisiyasat hinggil sa Mamasapano incident.
Samantala, tumanggap ng Tandang Sora award ngayong araw si Ombudsman Morales.
Ang Tandang Sora Award ay ibinibigay sa mga natatanging kababaihan na nagkaroon ng malaking ambag sa lipunan.
Ang naturang award ay ipinagkakaloob ng Quezon City Government taon-taon.
Ngayong araw ay ipinagdiriwang din ang ika-dalawang daan at limang taong anibersaryo ng Filipina hero na si Melchora Aquino na mas kilala bilang Tandang Sora.
(Mon Jocson / UNTV Correspondent)
Tags: Ombudsman Morales, tatapusin ang pagsisiyasat sa Mamasapano incident bago matapos ang termino sa 2018