Ombudsman Morales, inilihim umano ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa inihaing plunder complaint ni Sen. Trillanes laban sa Pangulo – SolGen

by Radyo La Verdad | February 14, 2018 (Wednesday) | 2494

Pinag-aaralan na ng Office of the Solicitor General ang kasong ihahain laban kay Ombudsman Conchita Carpio Morales.

Kaugnay ito sa ginawang paglilihim umano ni Morales sa naging desisyon ng Ombudsman sa plunder complaint na inihain ni Senator Antonio Trillanes IV laban sa Pangulo noong May 2016.

Ang plunder complaint ay kaugnay umano sa tagong yaman ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay SolGen Jose Calida, kung hindi pa siya sumulat sa Ombudsman noong nakaraang Biyernes, February 8 upang alamin ang estado ng inihaing reklamo, hindi niya malalaman na matagal na pala itong nadesisyunan.

Base sa sagot ni Overall Deputy Ombudsfman Melchor Arthur Carandang sa pamamagitan ng liham, “Case closed and terminated” na ito noong November 29 pa noong nakaraang taon.

Ayon kay Calida, karapatan ng Pangulo na malaman ang estado ng reklamo. Sa ngayon, wala pang tugon si Ombudsman Morales sa isyu.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,