Ombudsman, maghahain ng motion for reconsideration vs pagpapalaya kay dating Sen. Jinggoy Estrada

by Radyo La Verdad | September 20, 2017 (Wednesday) | 6936

Inihahanda na ng Office of the Ombudsman ang gagamiting argumento sa pagsusumite ng motion for reconsideration sa Sandiganbayan kaugnay sa pansamantalang paglaya ni dating Senador Jinggoy Estrada.

Ayon kay Special Prosecutor Edilberto Sandoval, igigiit nila ang mga ebidensyang iprinisenta na nagdadawit sa dating senador sa kasong plunder kaugnay sa PDAF scam.

Hindi aniya marapat na baligtarin ang naging unang desisyon ng dating bumubuo ng 5th Division ng Sandiganbayan dahil pareho lang naman ang mga ebidesyang pinagbasehan nito. Wala na aniya sa bagong komposisyon ng 5th Division ngayon ang mga dating nagdesisyon sa petition for bail ng dating senador.

Ginamit ni Estrada sa kanyang petition for bail ang naging desisyon ng Supreme Court sa pansamantalang kalaan ni Dating Presidente Gloria Macapagal Arroyo.

Ayon sa Supreme Court, hindi naipakita kung sino ang main pluderer sa PCSO scam na umano’y kinasangkutan ng dating Pangulo. Ayon naman sa Office of the Ombudsman, magkaiba ang kaso ni Arroyo sa kaso ni Estrada.

Samantala, naniniwala rin ang Office of the Ombudsman na malakas ang kanilang kaso laban kay Janet Lim-Napoles kahit na hindi ito government official.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,