METRO MANILA – Wala pang nakikitang posibilidad ang Department of Energy (DOE) na maaaring bumaba na ang presyo ng mga produktong petrolyo sa mga susunod na buwan.
Ayon sa kagawaran, ngayong Agosto umaabot na sa halos 2.8 million barrels per day ang kulang sa oil production sa international market, bunsod ng ginawang pagbabawas sa produksyon ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC).
Ayon kay Attorney Rino Abad, Director ng Oil Industry Management Bureau ng DOE, kung hindi pa rin bababa ang demand sa langis, posibleng matuloy-tuloy pa hanggang sa Disyembre ang oil price hike.
Ngunit kung matutugunan sana ng OPEC ang kakulangan sa produksyon ng langis ay posibleng magkaroon ng rollback sa mga susunod na buwan.
Sa datos ng DOE, sa ngayon ay umaabot na sa P73 ang presyo ng kada litro ng gasolina.
P67 ang Diesel, habang nasa P79-P80 na ang presyo ng kerosene.
Kung susumahin, aabot na sa P8-P10 ang itinaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa loob ng nakalipas na 7 Linggong magkakasunod na oil price hike.
Tags: DOE, oil price hike